Ang huling linggo ng Academic Year ang pinaka
masalimuot sa buhay ng isang estudyante. Ito yung panahon na naghahabol ka ng
mga requirements, pilit mong binabasa ang ilang kabanata ng libro, at binabalikan
ang mga paksang hindi mo lubos na naunawaan sa klase. Puspusan ang iyong paghahanda
para siguraduhin lang na may isasagot ka sa panghuling pagsusulit. Halos di ka
na nga matulog at kumain matiyak mo lang na, sa huling pagkakataon, mahahatak
mo ng pataas ang iyong grado. Kaya hindi nakapagtatakang tinatawag itong “hell
week”.
Pero nakamamangha na sa kabila ng iyong pagiging
abala, nakukuha mo pang mag Facebook at mag Tweet, ‘di ba? Sabi ng iba ito daw
ay paraan upang hindi sumakit ang ulo at antukin. Sabi ko naman, “weh? Dahilan
n’yo lang yan!” J
Nakakatuwa din isipin paano ka tinutulungan ng mga tao sa
paligid mo para makatawid sa hell week. Gaya ng mga magulang, kapatid, mga
mahal sa buhay at maging ang kapitbahay n’yo na kinukulit mo para turuan ka ng Calculus.
Pero ang lubos at higit na nakamamangha at tunay na
nakakatuwa ay kung paano ka tinutulungan ng ibang tao na hindi mo naman kaano-ano
at kilala. Yung munting paraan para lang maibsan ang saklap, pait at hapdi
(lahat na ng masasakit na salita na maiisip mo) ng hell week.
Ako po ay isang estudyante ng Unibersidad ng
Pilipinas, Bukas na Unibersidad. Nais ko pong ibahagi sa inyo ang isang karanasan sa aking paaralan na hindi ko
makakalimutan.
29 Marso 2014, 9:10AM dumating ako sa eskwelahan
isang oras bago ang simula ng pagsusulit. Dalawang oras na tulog, walang laman
na sikmura at reviewer ang baon ko. Abala ako sa pagrerebisa kasama ng iba kong
kamag-aral para sa una naming asignatura. Sa gitna ng talakayan, may isang
taong nakangiti ang bumati sa amin ng magandang umaga. Hindi namin binigyan
masyado ng pansin dahil nga abala kami sa pagrerebisa. Akala ko isa siya sa mga
mag-aaral na hindi ko kilala dahil nga hindi naman kami madalas magkita sa
personal.
Itinuloy namin ang talakayan habang ang taong
bumati sa amin ay kumuha ng isang upuan sa mga upuaang nakasalansan sa aming
tabi. Lumikha ito ng kaunting ingay at dahil nga ako ay puyat, mabilis akong
nairita at tinignan ko kung ano ang kanyang ginagawa; naglagay siya ng isang
supot na may lamang mga “cupcakes” at poster sa taas nito. Hindi ko na
inintindi, akala ko kasi ay nagtitindang estudyante (sa bagay, ginawa ko din
yun nuong high school ako).
Binuksan ang silid na gagamitin sa pagsusulit.
Pumasok ang mga estudyante at nagsimula na nga ang matinding hamon sa amin ng
taon. Pagkatpos ng dalawang oras, lumabas na ang ilan sa amin na may kunot sa
mukha at malalim na buntong hininga. Laking gulat ko ng tanungin ako ng isang
makulit kong kamag-aral kung ako daw ba ang naglagay ng mga pagkain at poster
sa isang pader malapit sa pinto ng silid. Ito ang mga larawan na makikita n’yo sa
ibaba:
Ito pala ang ginagawa ni kuya habang kami ay abala
sa pagrerebisa para sa aming pagsusulit. Hinahanda pala niya ang munting piging
upang paglabas namin sa silid ng kamatayan ay muli kaming mabuhayan ng pag-asa
para sa susunod na pagsusulit sa ibang asignatura. Upang bago kami pumasok muli
sa silid ng kamatayan, ay may ngiti sa aming labi na haharapin ang mga buwis
buhay na mga tanong ng aming mababait na propesor. Marahil naisip n’ya na, maliban
sa aming pagiging abala, karamihan sa amin ay galing pa ng trabaho, sa malayong
lugar o ‘di kaya naman ay mga magulang na wala ng panahon para kumain pa bago
pumunta sa paaralan.
Kaya bagaman gusto kong magpahinga, manahimik at mag hibernate lang pagkatapos ng isang delubyo, ayaw kong
sayangin ang pagkakataon ito upang ibahagi sa inyo ang isang nakakatuwang karanasan. Isang karanasan na magiging bahagi na ng alaala at kasaysayan ng UPOU Diliman LC.
Muli, maraming salamat sa iyo (kung sino ka man).
Tunay na hindi matatawaran ang iyong likas na pagkamatulungin at mapagbigay sa
kapwa. Pinatunayan mo na ang UP Open University ay hindi lamang lumilinang at
nagbubukas ng ating kaisipan, bumubuo din ito ng ating pagkatao at dangal. Mabuhay
ka!
Honor and Excellence.

This comment has been removed by the author.
ReplyDeletePlease .. .......let it be.. .........anonymous .. ............
ReplyDeleteGinawa ko ito para sa karamihan na pumapasok ng walang laman ang sikmura at nagsusunog ng kilay para pumasa. Lingid sa inyong kaalaman ay nagmamatyag ang dalawa kong mga mata habang kayo ay nagkkwentuhan tuwing panahon ng pagsusulit, madalas akong makinig at tumingin sa kung ano mang aksyon ang inyong mga pinaggagagawa kaya ko ito naisipan. Ayoko at Hindi ko matiis na may mga students na mag eexam ng gutom, alam ko ang pakiramdam dahil naranasan ko din ito.
May isa lang akong pakiusap sa inyo. Sana po ay wag nyo ng alamin pa kung sino ako. Masaya ako ng nakakatulong ng hindi ako nakikilala dahil hindi ko naman kailangang magpakilala kung gusto kong makatulong sa kapwa. Hindi ko ito ginawa upang magkamit ng papuri o pagkilala dahil sapat na sa akin ang magbigay ng kahit kaunting saya sa inyong mga puso, sapat na sa akin ang isang matamis na ngiti mula sa inyong mga labi.
Until next time
uulitin ko
Please respect my decision of being an anonymous person.
-CupcakeBoy
Isang maganda at mapagpalayang araw sa iyo kaibigan,
ReplyDeleteIginagalang namin ang iyong desisyon at muli, maraming salamat sa iyong kabutihang loob.
(mahahanap at makikilala din kita :D )
CupcakeBoy,
ReplyDeleteMay mga nagsasabi na sa susunod daw ay sana may kasama nang panulak.
Maraming salamat! hehe. :) Nawa'y tuluy-tuloy na pagpapala ang matatanggap mo mula sa Maykapal.
Padayon!