Sunday, March 30, 2014

My Cupcake Boy

Ang huling linggo ng Academic Year ang pinaka masalimuot sa buhay ng isang estudyante. Ito yung panahon na naghahabol ka ng mga requirements, pilit mong binabasa ang ilang kabanata ng libro, at binabalikan ang mga paksang hindi mo lubos na naunawaan sa klase. Puspusan ang iyong paghahanda para siguraduhin lang na may isasagot ka sa panghuling pagsusulit. Halos di ka na nga matulog at kumain matiyak mo lang na, sa huling pagkakataon, mahahatak mo ng pataas ang iyong grado. Kaya hindi nakapagtatakang tinatawag itong “hell week”.

Pero nakamamangha na sa kabila ng iyong pagiging abala, nakukuha mo pang mag Facebook at mag Tweet, ‘di ba? Sabi ng iba ito daw ay paraan upang hindi sumakit ang ulo at antukin. Sabi ko naman, “weh? Dahilan n’yo lang yan!” J


Nakakatuwa din isipin paano ka tinutulungan ng mga tao sa paligid mo para makatawid sa hell week. Gaya ng mga magulang, kapatid, mga mahal sa buhay at maging ang kapitbahay n’yo na kinukulit mo para turuan ka ng Calculus.

Pero ang lubos at higit na nakamamangha at tunay na nakakatuwa ay kung paano ka tinutulungan ng ibang tao na hindi mo naman kaano-ano at kilala. Yung munting paraan para lang maibsan ang saklap, pait at hapdi (lahat na ng masasakit na salita na maiisip mo) ng hell week.

Ako po ay isang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas, Bukas na Unibersidad. Nais ko pong ibahagi sa inyo ang isang  karanasan sa aking paaralan na hindi ko makakalimutan.